Orchid Lois dot Com

December 29, 2009

Joross Gamboa is The Newest Kapuso Star


Sasalubungin ni Joross Gamboa ang taong 2010 ng maraming bago sa buhay niya. Bukod sa pagkakaroon ng bagong manager sa katauhan ni Noel Ferrer, may bagong “tahanan” din ang young actor dahil sa bago niyang show, ang First Luv ng GMA-7.

Isa nang Kapuso ang dating questor ng Star Circle Quest ng ABS-CBN simula sa 2010.

Bago magtapos ang 2009 ay nakapagdesisyon si Joross na hindi na mag-renew ng panibagong kontrata sa kanyang manager na si Becky Aguila. Pero ayon sa young actor, naging maganda naman ang pag-uusap nila ng dating manager.

“Tapos na yung contract ko with Tita Becky,” sabi ni Joross sa PEP (Philippine Entertainment Portal). “Maayos naman yung naging pag-uusap namin. Kumbaga, on my part, gusto ko naman siguro na mag-try ng bagong management. New year, parang sige, bago naman lahat.

“Maganda naman ang paghihiwalay namin ni Tita Becky. Nagpapasalamat din ako sa kanya kasi sa time na under ako ng management niya, at nagpapasalamat din ako na maayos kaming naghiwalay. Ako na rin yung nagsabi na after naming mag-usap, kakausapin ko rin si Kuya Noel Ferrer. Bale si Kuya Noel yung bago kong manager ngayon,” idinagdag niya.

Magiging “kapatid” niya sa kanyang bagong manager sina Ryan Agoncillo, Paolo Bediones, at Bayani Agbayani. Gaya ni Joross ay isa na ring Kapuso si Bayani, pati na si Claudine Barretto.

“Si Kuya Noel kasi, kahit saang station, puwede naman siya. Mabait na tao at malaking bagay sa akin na may tiwala naman siya sa kakayahan ko,” sabi ni Joross tungkol sa kanyang bagong manager.

FIRST SHOW ON GMA-7. Nag-attend na si Joross ng story conference ng First Luv sa GMA Network Center. Aminado ang dating Kapamilya star na naninibago pa siya sa bagong tahanan.

“Okey naman kasi very warm naman lahat ng taga-GMA-7 sa amin ni Bayani. Although, nakakapanibago lang dahil noong nagpunta kami [ni Bayani], magkasabay kami. Hindi pa namin alam ang pasikot-sikot sa mga office, medyo nawala rin kami sa parking!” natatawang kuwento niya.

Nagpaalam ba siya sa ABS-CBN bago siya lumipat sa GMA-7?

“Hindi na ako nagpaalam,” sagot ni Joross. “Bale kasi matagal na rin akong wala sa Star Magic. Ang sa akin naman, hindi naman ako umalis. Nagkataon na yung trabaho ngayon, nasa GMA-7, sa GMA ako may gagawin. Siguro habang may show sa GMA, respeto na rin na sa GMA ako mapapanood. Ganun naman talaga.

“Happy lang ako na bagong taon, bagong show, bagong mga makakasama. At nagpapasalamat nga ako sa GMA dahil kahit bago lang akong lipat, very warm naman silang lahat.”

Dagdag niya, “Sa show pa na gagawin ko, may mga kakilala na rin ako like si Bayani at si Michelle Madrigal na makaka-partner ko pa. Parang triangle kami rito nina Roxanne Barcelo.”

Magka-batch sina Joross at Michelle sa unang Star Circle Quest, kung saan nakasama rin nila sina Hero Angeles, Sandara Park, Roxanne Guinoo, at Joseph Bitangcol. Gaya nina Joross at Michelle, nasa GMA-7 na rin si Hero samantalang nakalabas na rin sa ilang programa ng Kapuso network si Joseph.

Ang First Luv ay pagbibidahan ng young love team nina Joshua Dionisio at Barbie Forteza, na gumanap bilang mga batang Cholo at Jodi sa Stairway To Heaven.

Masasabing maganda ang pagtatapos ng 2009 para kay Joross dahil sa Best Actor award na natanggap niya mula sa Star Awards for TV para sa kanyang pagganap sa isang episode ng Maalaala Mo Kaya. Very hopeful naman siya sa pagpasok ng 2010.

“Yung award, magsisilbing inspiration talaga sa akin na mas galingan ko pa at ipakita ko pa kung ano pa ang kaya kong ibigay. Although ako naman, kahit sabihin na hindi ganoon karaming projects ng 2009, I took advantage of the situation. Dire-diretso lang ako sa pag-aaral ko at yun, tuloy-tuloy ko na yun,” saad ni Joross, na kumukuha ng kursong Mass Communication sa Southville International School.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *