Orchid Lois dot Com

March 28, 2011

JM De Guzman denies he has a gay benefactor

Sunod-sunod ang proyekto ni JM De Guzman sa ABS-CBN mula noong nakaraang taon kaya naman hindi maiwasang intrigahin siya tungkol sa pagkakaroon niya di umano ng gay benefactor. Sa ginanap na press con ng Mula Sa Puso noong March 24, mabilis na itinanggi ng batang aktor ang akusasyon na meron siyang kapit sa kung sino mang maimpluwensiyang tao kaya napabilis ang kanyang pagsikat. “Malinis na malinis po ang konsensya ko sa issue na ’yan kasi pinaghirapan ko talaga na mabigyan ako ng pansin or ng opportunity na makapasok sa showbiz.”

Iginiit din ni JM na hinding-hindi niya gagawin ang manggamit ng tao para lang matupad ang kanyang pangarap na makilala sa mundo ng showbiz. Masarap daw kasi sa pakiramdam kapag alam niyang ginamit niya ang sariling kakayahan. “Siguro po ako yung tipo ng tao na kapag hindi ko makuha yung isang bagay, mabuti na paghirapan ko na lang, kahit dumugo-dugo paa ko. Hindi naman masama ang humingi ng tulong, pero mas maganda kung sarili kong sikap, sarili kong hila lahat ng mga problema ko. Mas fulfillment sa akin yun.”

Marami ang hindi nakakaalam na minsan nang sumali si JM sa Ang TV 2 noon. “Lumalabas na ako sa commercial nung six years old pa lang ako. Tapos nag-Ang TV 2 ako nung 13 years old na ako pero walang nangyari. Na-realize ko din sa sarili ko na may kulang kung bakit hindi ako napansin or hindi nabigyan ng break. Kaya nagpunta ako sa theater para mahasa sa ibang aspeto. Pagkatapos nun, nung medyo na-feel ko na may natutunan naman na ako, dun ako nagpakalat-kalat sa indie scene.”

Nagbunga naman ang kanyang paghihirap dahil napansin ang kanyang galing sa pag-arte sa ilang teleserye tulad ng Precious Hearts Romances Midnight Phantom, Alyna at Kristine Series. At ngayon nga ay napili siya upang gampanan ang dating papel ni Rico Yan na Gabriel sa remake ng Mula Sa Puso na mag-uumpisa na sa March 28 sa Primetime Bida. “Sobrang blessed talaga ang feeling ko ngayon kasi siyempre ito na yung pinakahihintay kong opportunity. Hindi lahat nabibigyan ng pagkakataon na magkaroon ng lead role sa isang teleserye kaya malaki ang pasasalamat ko sa ABS-CBN at kina Direk Lauren (Dyogi) sa tiwala na ibinigay nila sa akin.”

Masayang-masaya rin si JM dahil naging maganda ang pagtanggap ng tao sa natatangi niyang pagganap sa March 18 episode ng Maalaala Mo Kaya. “Nakakatuwa kasi naging maganda ang pagtanggap ng tao dun sa MMK episode where I played an OFW na nabiktima ng isang drug syndicate abroad. Tapos sobrang dami ko natutunan nung nagte-taping kami, na-expose yung weaknesses ko.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *